← Back to Home

'Jumper' sanhi umano ng sunog sa residential area sa Malabon; 80 pamilya apektado

Published: 2/10/2026, 12:16:36 AM

Word Count: 360 words

Naging hamon sa mga bumbero ang makitid na daan papasok sa residential area.


MAYNILA — Sumiklab ang isang malaking sunog sa residential area sa Mabolo Street, Bgy. Maysilo, Malabon City bandang 3:00 ng madaling araw nitong Martes, February 10, 2026.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), umabot sa ikalawang alarma ang sunog na tuluyang naapula makalipas ang dalawang oras. Halos 30 trak ng bumbero ang mabilis na rumesponde sa lugar.

Sa pagtataya ng BFP, aabot sa 80 pamilya ang apektado, habang 60 bahay na gawa sa light materials ang tuluyang natupok.

Hindi napigilang maging emosyonal ng mga residenteng nasunugan. Tulong ang kanilang pangunahing panawagan dahil karamihan sa kanila ay walang naisalbang kagamitan.

“Pati ID ko, kahit isa walang naligtas. Pati pera po, wala talaga kaming nadala,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Judith Nale.

Si Jasmine Simeon naman, karga pa ang kanyang pitong buwang gulang na anak nang tumakbo papalabas ng kanilang nagliliyab na bahay.

“Sobrang hirap po. Nagpapasalamat po ako na safe kaming mag-ina at nakalabas ang lahat ng aking pamilya,” aniya.

“‘Yung perwisyo po, sobrang dami. Maraming gamit ang nawala. May sumigaw po, tapos ang lahat ng tao, nagising na,” kwento naman ni Jennifer Villarin.

Dalawa ang iniulat na sugatan, kabilang ang fire volunteer na si Xander Babiano na tatlong taon na sa serbisyo. Natusok ng pako ang kanyang paa habang rumeresponde sa sunog.

“Bukal din po sa puso ko, gusto ko rin po ‘yung ginagawa ko. Isa rin po kasi ako sa nasunugan na rin dati,” sabi ni Babiano.

Sa paunang imbestigasyon ng BFP, nagsimula ang sunog sa ikatlong palapag ng isang bahay.

“Ang sabi ng imbestigador, naka-jumper po siya at walang kuntador, kaya nagpo-focus kami na baka sa electrical [ang sanhi],” ani Fire Inspector Rizaldy Evangelista, Acting Chief Operation ng Malabon BFP.

Naging hamon sa mga bumbero ang makitid na daan papasok sa residential area.

“Ang entrance nila kasi iisa lang, tapos nasa 50 cm wide lang ‘yung entrada. Kaya nagbutas kami ng pader at umakyat kami sa pader para maapula agad ‘yung sunog,” dagdag ni Evangelista.

Kasalukuyang nasa evacuation center ang mga apektadong residente at pinagkakalooban na ng paunang tulong ng lokal na pamahalaan.



KAUGNAY NA VIDEO



Related Articles