← Back to Home

15-anyos ipinagtanggol ang girlfriend, patay sa pananaksak ng kapwa-estudyante sa Maynila

Published: 2/9/2026, 11:15:28 PM

Word Count: 616 words

Patay ang isang 15-anyos na Grade 10 student matapos pagsasaksakin ng kapwa niya mag-aaral na 16-anyos sa Barangay 649, Baseco Compound sa Maynila, nitong Lunes ng gabi, Pebrero 9.

Sa kuha ng CCTV sa likod ng isang paaralan bandang alas-7:00 ng gabi, makikitang tila nag-aabang sa kalsada ang 16-anyos na suspek sa paglabas ng biktima. Ilang sandali pa, nahagip sa video ang pagdating ng isang grupo kasama ang biktima. Agad sumugod sa isa't isa ang biktima at suspek na nauwi sa suntukan.

Gayunman, sa isang cellphone video, nakitang may hawak nang kutsilyo ang suspek habang nakikipaglaban. Maya-maya pa ay biglang napahawak sa tiyan ang biktima at naglakad palayo kasama ang kanyang mga kaibigan hanggang sa manghina at tuluyang matumba.

Ayon kay Rhoda Ricabar, ina ng biktima, kauuwi niya lang mula sa trabaho nang malaman ang sinapit ng anak. Naisugod pa ang biktima sa ospital ngunit pumanaw din dahil sa dami ng saksak na tinamo sa iba't ibang parte ng katawan.

Nag-ugat umano ang hindi pagkakaintindihan ng dalawa noong Sabado matapos magkainitan dahil sa pambabastos umano ng suspek sa kasintahan ng biktima.

“Ang sabi dahil dun sa girlfriend sa pagtanggol kasi binastos daw po yung girlfriend… nakita ng anak ko na yung inamba siyang susuntukin tapos nakita ng anak ko… syempre bilang boyfriend nabastusan siya,” paliwanag ni Ricabar.

Kinumpirma rin ng 14-anyos na kasintahan ng biktima ang gulo. Aniya, hindi niya inakalang hahantong sa madugong wakas ang bangayan lalo’t kakilala rin niya ang suspek.

“Parang inambahan po ako ng sipa (ng suspek) dalawang beses kaya lumapit po siya (biktima). Sabi niya bakit parang nakakabastos naman po. Sabi niya parang nagagalit yung [suspek] sabi niya, ‘bakit ba?!’ Parang gumanon po siya tapos ayun akala ko okay na alitan kasi hayaan na kasi kakilala ko din po [yung suspek],” kwento niya.

Depensa naman ng ina ng suspek, "biruan" lamang umano ang ginawa ng kanyang anak dahil magbarkada ang mga ito. 

Iginiit niya na pinagkakaisahan ng grupo ng biktima ang kanyang anak kaya napilitan itong manghiram ng patalim para maipagtanggol ang sarili.

“Nagbibiruan daw po sila eh kaso nga ang dating dun sa lalaki binabastos daw yung girlfriend niya… pero hindi po barkada po kasi nila yun kaya andun yung biru biruan,” aniya.

“Parang hindi naka move on yung biktima... yun nangyari na napag-usapan na magharap daw sila… yung anak ko kasi maliit siya, nanigurado na lang din daw siya nakahanda daw siya… kung di daw niya nagawa yun siya daw talaga ang mabiktima ng tuluyan,” dagdag niya.

Narekober ng pulisya ang ginamit na kutsilyo sa isang basurahan malapit sa bahay ng suspek matapos itong tumakas sa pinangyarihan ng krimen.

“Nakalimot na daw siya… Kasi pinagtulungan daw siya eh… Binugbog po siya eh ang lalaki daw yung kalaban niya… Tapos yung kutsilyo… Yon natuluyan na niya dahil sa sobra noyang takot din na maunahan siya… Di na niya napigilan sarili niya,” paliwanag pa ng ina ng suspek.

Ayon kay barangay kagawad Edgardo Campañero, madalas silang magronda kasama ang pulisya dahil hindi na bago ang mga rambol sa lugar, ngunit sadyang nagsasalisi o naghahanap lang ng tyempo ang mga kabataan kapag wala ang mga awtoridad.

“Sa tuwing iikot ang pulis at barangay, tumatakbo ang mga ‘yan. Nagre-reach out naman kami na dagdagan ang kapulisan... ang problema, nagsasalisi ang mga rambulan at riot nila,” paliwanag ni Campañero.

Dahil sa insidente, mas paiigtingin pa ng barangay ang pagpapatrolya, partikular na sa labas ng mga paaralan. Pinaalalahanan din ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak para hindi masangkot sa mga grupong nasasangkot sa mga gulo.

Nasa pangangalaga na ng Manila Police District (MPD) ang menor de edad na suspek o Child in Conflict with the Law (CICL) habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Related Articles