← Back to Home

Magnanakaw ng LPG, nanutok ng gun replica; timbog sa QC

Published: 2/9/2026, 11:14:03 PM

Word Count: 321 words

Courtesy: QCPD STATION 10

Arestado ang isang 23-anyos na lalaki matapos maaktuhang nagnanakaw sa ginagawang commercial establishment sa Barangay Sacred Heart, Quezon City, pasado alas-sais ng gabi nitong Linggo, February 8, 2026.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang maingat na pagmamasid ng suspek sa paligid bago tuluyang pumasok sa gusali. Matapos maka-tyempo, binuksan pa nito ang ilaw, at isinara ang pinto para hindi mapagkamalang kawatan.

Maya-maya pa ay dahan-dahan na nitong inilalabas ang isang tangke ng LPG.

Ang hindi alam ng suspek, real-time siyang namomonitor ng may-ari ng gusali sa high-tech security system ng gusali.

“Nag-pop up ‘yung facial recognition sa CCTV ng may-ari na may pumasok sa kanyang establishment. Agad siyang tumawag sa barangay at sa ating kapulisan dito sa Station 10, na nagresulta sa mabilis na pagresponde sa area,” pahayag ni Police Captain Mann Erik Felipe, Chief ng Kamuning Police Station Investigation and Detection Management Unit.

Sa pagdating ng mga awtoridad, nagtangka pang magtago ang suspek sa kusina sa ikalawang palapag. Nang makorner, tinangka pa nitong manutok ng baril para makatakas.

“May dala siyang baril at tinutukan pa ang ating mga barangay officials at kapulisan,” dagdag ni PCpt. Felipe.

Matapos maaresto, narekober mula sa suspek ang ninakaw na tangke pati na ang baril, na isa palang gun replica.

Aminado ang suspek sa ginawa, na ugat aniya ang matinding kakapusan at kahirapan ng pamilya.

“Nagnakaw po ako dahil nangangailangan. Pangkain po, bigas, at pambayad ng bills sa bahay. Humihingi po ako ng pasensya sa nagawa ko,” emosyonal na pahayag ng lalaki.

Sa kabila ng paghingi ng tawad, inireklamo siya ng attempted theft at malicious mischief ng biktima. Lumabas pa sa record ng Quezon City Police District (QCPD) na ito na ang ikatlong pagkaka-aresto sa suspek dahil sa pagnanakaw.

Nakapiit na ang suspek sa custodial facility ng Kamuning Police Station, na kinasuhan din ng grave threat at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act dahil sa ginamit na gun replica.

Related Articles