← Back to Home

Mula sa bukid tungo sa kalsada: Gulay mula sa mga magsasaka inalay sa Maginhawa

Published: 4/2/2026, 10:02:55 AM

Word Count: 340 words


MANILA  — Isang L300 van na puno ng mga sariwang basket ng kamatis at repolyo  ang pumarada sa tapat ng inisyatiba na Community Pantry para sa mga tsuper sa Maginhawa Street, Quezon City.

Ang nasabing donasyon ay pinangunahan ng Rural Rising Philippines, isang organisasyong kilala sa pag-alalay sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng direktang pag-angkat ng kanilang mga produkto. 

Ayon sa grupo, ang higit 500 kilo ng gulay na ipinamahagi ay nagmula pa sa mga magsasaka ng Benguet.

Sa mga panahon ng kalamidad, sila ang nagsisilbing "rescue team" na bumibili sa mga gulay na naapektuhan ng bagyo upang matiyak na hindi mabubulok ang pinaghirapan ng mga magsasaka at magkaroon pa rin sila ng kita.

Adbokasiya ng organisasyon

Sa panayam kay Ace Estrada, Presidente ng Rural Rising, binigyang-diin niya na ang kusa at mabilis na paglikom ng 500 kilong ani ay mungkahi mismo ng mga magsasaka. Aniya, ramdam ng  sektor ang hagupit ng krisis na nararanasan ng mga tsuper ng Public Utility Vehicles (PUV).

"Mahalaga ang pagkakaisa ng mga sektor na ito. Ang maganda sa Rural Rising, ang mga magsasaka mismo ang mga miyembro. Kaya noong nalaman nilang may community pantry, sila na mismo ang nag-alok ng kung anong meron sila para makatulong," pahayag ni Estrada.

Dagdag pa ng organisasyon, ang pagtaas ng presyo ng gasolina at krudo ay isang "double-edged sword" na parehong pinahihirapan nito ang mga driver sa kalsada, at pinapamahal din ang gastos sa transportasyon ng mga ani mula sa bukid. 

Hamon sa publiko

Habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, ang pinakamabisang paraan umano upang makatulong ay ang direktang pagtangkilik sa mga lokal na produkto.

"Ini-encourage natin ang mga tao na sa mga panahon na ganito, alam nating marami ang commodities na maaapektuhan. Kaya kung maaari, doon na tayo bumili sa ating mga lokal na magsasaka," pagtatapos niya.

Sa pag-alis ng L300 van sa Maginhawa, naiwan ang mga basket ng gulay para sa mga tsuper na maghapong pumapasada. Hindi man mabawasan ang buntong hininga tuwing nagpapagasolina, bawas isipin na ang ipapasok sa sikmura.

Related Articles