6 pulis arestado sa sunod-sunod na holdup sa Makati
Published: 1/29/2026, 7:31:48 AM
Updated: 1/29/2026, 9:33:33 AM
Word Count: 783 words
Six police officers assigned to the Malate Police Station under the Manila Police District were arrested on Wednesday night by the Makati City Police for alleged involvement in a robbery case, says NCRPO chief PMGen Anthony Aberin. Jeff Caparas, ABS-CBN News
MAYNILA (UPDATED) — Arestado ang anim na pulis na nakatalaga sa Malate Police Station matapos madawit sa sunod-sunod na insidente ng holdup at pagnanakaw sa Arsonvel Street sa Barangay San Isidro, Makati noong Miyerkules, January 28 bandang 7:48 ng gabi, at sa hiwalay na insidente noong Sabado, January 24.
Ayon sa ulat, palabas lamang ng bahay ang 55-anyos na biktimang si Manuel upang bumili ng bigas nang lapitan siya ng mga suspek at pagbubugbugin.
Sinunog pa umano ang kanyang balat gamit ang lighter bago tangayin ang kanyang P700 na pera at cellphone.
“Bibili lang sana ako ng bigas noon, biglang dumating sila. Yung isa kinuha pera ko, yung isa pilit pa nga binuksan yung GCash ko. Eh, sabi ko, 'walang laman 'yan, sir'.”
Isinalaysay naman ni Rose Marie, isang saksi sa pangyayari, ang karahasang sinapit ni Manuel.
“Ito si Kuya, nakita namin, inaano siya. Binabanatan siya, susuntok. May kinukuhang pera sa kaniya at tsaka cellphone… Kasi syempre may edad na po siya para suntok-suntukin siya. Yung isang kasama ko po, ang sabi, Kuya, tito ko po yan. Huwag naman po, tubero lang po dito yan. Sabi niya, huwag kang maingay. Minumura po siya.”
'PINASOK ANG BAHAY, NAGHANAP NG DROGA'
Lumalabas din na noong January 24, nabiktima rin si Rose Marie, 44-anyos, ng parehong grupo sa loob mismo ng kanyang bahay.
Kasama rin sa hinoldap ang isa pang 57-anyos na lalaki. Bandang alas-6 ng gabi, may dalawang babaeng nakigamit ng CR sa kanilang bahay kasama ang lalaking biktima nang dumating ang mga suspek na nagpakilalang mga pulis at may takip ang mga mukha.
“Tapos may dumating na po ng mga police. May sinasabi may droga, droga daw. So noong titingin po ako, sabi, ikaw, dumapa ka din. Tinutukan po ako ng baril. 'Dumapa ka rin.Huwag kang titingin, huwag kang titingin.' So naririnig ko lang na, 'asan yung ano, asan yung droga?' Ganoon po yung sinasabi doon sa lalaki. Tapos paglingon ko po, wala na sila. Tumakbo na po sila,” ani Rose Marie.
Ayon sa biktima, tinutukan ng baril ang lalaki, pinadapa, tinalian ng kamay at ninakawan ng P50,000, $9,000, wallet, at cellphone.
Kinuha rin ng mga suspek ang cellphone ni Rose Marie.
Nahagip sa CCTV ng barangay ang paglalakad ng biktimang lalaki at dalawang babae na kasama nito na nakilala niya umano sa Malate. Ilang minuto, nakita muli sa CCTV ang biktimang lalaking tumatakbo palabas sa esknita. Wala na sa kanya ang dala-dala niyang bag.
Dagdag pa ni Rose Marie, madalas umanong makita ang mga suspek sa kanilang lugar.
PNP reports 12.4 percent drop in focus crimes in 2025
“Ang sigaw po nila is mga pulis sila…Madalas po napasok sila (sa lugar namin) Marami na rin pong nagrereklamo sila… May mga nagrereklamo po na mga kapitbahay,” kwento ni Rose Marie.
Natunton ng Makati PNP ang mga suspek matapos may magsumbong na residente ng lugar sa kanilang sub-station kaugnay ng panghoholdap kay Manuel noong Miyerkules.
Nahagip sa CCTV ng barangay ang pagdating ng mga suspek sakay ng limang motorsiklo papasok ng eskinita noong Miyerkules. Ilang minuto dumating na rin ang personnel at SWAT team ng Makati PNP.
MGA SUSPEK ARESTADO, STATION COMMANDER TINANGGAL SA PUWESTO
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang anim na suspek na kinabibilangan ng isang police sergeant. Narekober ang limang motor na ginamit ng mga suspek at mga ninakaw na cellphone. Subalit P12,000 na cash na lamang ang natagpuan.
Ayon kay NCRPO director Maj. Gen. Anthony Aberin, bukod sa pagkakaaresto sa anim na pulis, inalis na rin sa puwesto ang station commander ng Malate Police Station pati ang buong Station Drug Enforcement Unit (SDEU).
Isasailalim sila sa imbestigasyon upang matukoy kung may pananagutan o kasabwat sa krimen.
“Imagine po, anim po yung involved na pulis niya and we will investigate for command responsibility,” paliwanag ni Aberin.
“Tayo ay nalulungkot sa mga pangyayari na yan and we would like to emphasize na hindi natin itotolerate yang mga ganyang pangyayari at kahit na sinong pulis na involved sa illegal dapat arestuhin natin.”
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Manila Police District na nagsasagawa na rin ng kasabay na imbestigasyon ang Criminal Investigation and Detection Group – Investigation Management Division ng distrito.
"We assure the public that erring police officers will not be tolerated. Appropriate charges will be filed, and this matter will be elevated to the proper authorities, dagdag ni Police B.Gen. Arnold Abad, district director ng MPD.
Related Articles
- /news/nation/2026/4/3/filipinos-mark-good-friday-by-praying-for-end-to-mideast-conflict-1458
- /news/nation/2026/4/3/part-of-naia-terminal-1-arrival-area-ceiling-collapses-on-good-friday-1409
- /news/nation/2026/4/3/marcos-urges-filipinos-to-live-with-greater-faith-humility-compassion-on-good-friday-1052
- /news/nation/2026/4/3/-may-mga-buhay-po-na-nabago-devotees-fill-quiapo-streets-for-good-friday-procession-0833
- /news/nation/2026/4/2/cardinal-advincula-washing-of-the-feet-highlights-humility-hope-amid-trials-2300